Ngayong araw, huli akong nagising at nakapunta sa Makati na walang dalang lisensya. Buti nalang may spare ako sa glove compartment. Nagmamadali ako kanina papuntang RSC para ibigay ang mga requirements for employment. Malakas ang hangin at nangangamba akong na baka umulan. Kahit may dala akong payong, sa lakas ng hangin, baka mapahiya lang ako sa daan.
Sinabihan ako ng HR na kailangan kong pumunta sa Orientation ng HR sa July 17. Sabi ko naman sa kanila kaya minadali yung application ko e dahil pupunta ako sa Japan sa July 17. Humirit yung HR na kailangan kong pumunta. Inisip ko na hindi ko na dapat iyon problema. Sa huli, nag-usap kami na sa August 1 nalang ako pumunta.
Dumaan ako sa Enterprise at nagpakuha ng litrato para sa Japanese Visa ko. Pagkatapos ay nagmadali papuntang Ortigas naman. Buti nalang, wala namang nangyaring kababalaghan kaya nagsadya na ako kagad sa HP.
Andun naman yung dapat kong bibigyan ng Passport, Visa Application at SSS form. Pina-receive ko kay Arnold yung passport kasi malaki talagang problema kapag nawala iyon. Pumasok ako sa loob kasama si Gracie at tinapos ko yung mga kailangan pang dokumento. Sa mga sandaling iyon, narinig kong sinabi ni Bev na hindi siya makakasama dahil hindi pa kailangan ang kanyang papel sa proyekto. Napatigil ako kasi pareho kami ni Bev na sa Total Order Management.
Nakita kong dumaan si Cel at tinanong ko siya kung ano ang aking papel sa proyekto. Nabanggit ko rin na hindi kasama si Bev, na ka-division ko. Sabi ni Cel na malamang pareho ang aming papel ni Bev. Nalungkot ako sandali dahil may posibilidad na hindi ako makakasama. Sa ideya pa lang na bago pa lang ako sa trabaho ay maging isang katwiran na hindi ako payagan pumunta.
Sabi naman ni Gracie, habang kami ay kumain ng tanghalian na marami pang pagkakataon na makapunta pa akong Japan [shet! para akong Japayuki nito!] dahil Japan-based yung proyekto. Iniisip siguro ng mga nakatataas na mas mabuti pang dito muna ako sa Manila at simulan ang aking on-boarding, orientation at training.
Gusto ko pa rin isipin na makaka-biyahe pa rin ako.
Nagliwaliw muna ako sa Megamall. Sale na naman at kailangan ko ng damit pang-opisina. Sa katunayan, ang suot kong blusa ay sa nanay ko. Nakita ko rin sa malayo na sale ang Lacoste at gusto ko lang malaman kung ilang % yung discount ng mga mamahaling t-shirt. Sa kagustuhan kong makapunta kagad, nabigla ako nang may sumulpot sa aking gilid at sinabi:
"Hi Ganda! Gusto mo ng libreng tiket sa sinehan?"
Sa mga sandaling iyon, hindi ko alam kung yung naging magic words na nag-convince sa akin na sumama sa tiyak na kahibangan ay yung "ganda" o "libreng tiket". Oo nga, kahit wala akong kailangan bayaran o bilhan, kailangan kong mag-aksaya ng 45 na minuto para sa kanilang presentasyon. Sa huli, nag back out ako, humirit ng isang dahilan para makaalis sa lugar na iyon.
Matagal na akong hindi pumapatol sa mga nag-aalok ng lupa, bahay, condo, credit card ngunit dito talaga ako bumigay. Akala ko libre. Yun pala, oras mo ang puhunan nila. Sa huli, hindi ako nakapunta sa Lacoste at hindi ko nakita kung magkano yung mga t-shirts nila.
Shet!
No comments:
Post a Comment